Chapter 9 Part - Sanctuary

Apat na araw na ang lumipas at hindi pa rin nagpapakita sa kanila si Mr. Aragon, ang tutor nila Mary Beth, Lila at magiging tutor na rin ni Minggay. Pero tumawag ito kay Father Tonyo at sinabing hindi muna siya makakabiyahe dahil tinamaan siya ng trangkaso. Kaya naman naisipan na lang ng pari na isama si Lila at Minggay sa Sanctuary Of The Abandoned Elders para magpamahagi ng mga donasyon mula sa mga parokyano at maninimba. Si Mary Beth naman ay naiwan para maglinis ng mga altar sa simbahan.

Umarkila sila Father Tonyo ng jeep. Medyo dagsa rin kasi ang mga donasyon nitong nakaraang tatlong buwan at hindi nila ito napamahagi noon dahil nga kapos sila sa tao. Lima sila sa loob ng jeep. Sa unahan, nakaupo sina Father Tonyo katabi si Manong Jerry na hardinero at ang driver. Sa likod naman, nakasiksik sina Minggay at Lila kasama ang mga sako-sakong lumang damit, unan, kumot at adult diapers. Papunta sila sa Isabela kung saan nakatayo ang sanktwaryo.

Tatlong oras din ang iginugol nila sa biyahe mula Villapureza hanggang Isabela. Pagbaba, sinalubong sila ni Ate Mira, ang tagapamahala ng sanctuary. Nag-mano si Ate Mira kay Father Tonyo at ipinakilala naman ng pari si Lila at Minggay kay Mira.

"Naku, pasensya ka na Mira at ngayon lang kami nakarating. Alam mo namang malayo talaga dito sa inyo. Dagdag pa 'yang trapik sa EDSA." Kinuha ni Father Tonyo ang panyo sa bulsa at ipinunas iyon sa mga ga-munggong pawis sa noo.

"Father, kami nga 'tong nahihiya sa inyo at nag-abala pa talaga kayong puntahan kami rito," nahihiyang sabi ni Ate Mira. "Tara, Father at magpalamig muna kayo sa loob."

Bago pumasok, pinakiusapan ni Father si Manong Jerry kasama ang katiwala ng sanctuary na ibaba at dalhin ang mga sako ng donasyon sa ceremony hall.

Binati si Father ng mga matatanda sa sanctuary pagpasok niya. Kilala na kasi siya ng mga residente dahil dalawang taon na siyang nagpapabalik-balik para mag-abot ng tulong dito. Bahagyang nahiya naman sina Lila at Minggay sa atensyong ibinigay sa kanila ng mga matatanda nang magsimula silang magkantahan at magpalakpakan pagdaan nila. Pakiramdam ni Minggay para silang mga sikat na artista.

Tumuloy sina Father Tonyo kasama si Minggay at Lila sa opisina ni Ate Mira.

"Father, salamat ulit sa pagdalaw at sa mga donasyon. Siguradong matutuwa ang mga lolo't lola namin sa mga bigay niyo," bungad ni Ate Mira pagkaupo sa likod ng kanyang mesa.

"Walang anuman, basta kayo. Alam mo namang inihabilin sa akin ni Father Greg ang sanktwaryo. Tinutupad ko lang naman kahilingan niya sa akin." Nalungkot si Father Tonyo nang mabanggit ang pangalan ni Father Greg. Parang naging tatay-tatayan na rin kasi niya ang pari.

"Sigurado kung nasa'n man siya ngayon, proud siya na itinutuloy mo pa rin ang nasimulan niya," balik ni Ate Mira. "Siya nga pala, hindi kami nakapagluto ng mga pagkain natin para sa salo-salo mamaya. Nagkasakit 'yung dalawang kusinera namin. Uso kasi trangkaso ngayon, Father. Pero nagpabili na lang ako ng fast food. 'Yun na lang ang handa namin."

"Ah, ganu'n ba? 'Yung tutor nga rin ng dalawang 'to," sabay turo ni Father Tonyo kina Minggay at Lila. "...hindi rin nakakapunta sa Casa apat na araw dahil tinamaan din ng trangkaso. Iba na rin kasi talaga ang panahon ngayon. Iinit tapos biglang uulan tapos iinit ulit. Ewan ko ba."

"Oo nga, Father. Ibang-iba na talaga. Ay, teka lang Father. Sino 'tong pagkaganda-gandang dalagitang 'to? Si Lila kilala ko na, pero ito parang ngayon ko lang siya nakita. Huwag mong sabihing bagong ampon mo na rin." Tinignan nang maigi ni Ate Mira si Minggay na para bang laruan ito na hinahanapan niya ng depekto.

"Oo, kinupkop ko na. Ulila na rin kasi. Maigi nga 'yan at 'di na rin kami aalog-alog sa Casa." Nakatingin si Father Tonyo kay Minggay na nanliliit na sa kanyang upuan dahil sa kasinungalingan.

"Maiba ako. Kumusta 'yung application namin sa inyo. 'Yung tungkol doon sa plano naming mag-ampon ng matanda mula dito sa sanctuary." Puno ng pag-asa ang mukha ng pari sa isasagot ni Ate Mira. Isang taon na rin kasi simula noong iparating nila sa sanctuary ang intensyon na iyon ng simbahan.

"Ah ayun ba, Father? Kasi... ano eh...," si Mira naman ang parang bantulot magsalita. "Kasi Father, alam mo naman ang nangyari last year kay Lolo Binoy 'di ba? Kaya tatapatin ko na kayo, baka hindi po makapasa ang application niyo sa pag-aampon."

Nabuhay bigla ang pagiging mausisa ni Minggay at sumali ito sa usapan. Hindi niya mapigilan. "A-ano po ba ang nangyari kay Lolo Binoy?"

Magsasalita sana si Father Tonyo subalit naunahan na siya si Ate Mira. "Alam mo kasi, itong sila Father nag-ampon na sa amin last year. 'Yung isa sa pinakamatagal na naming resident dito -- si Lolo Binoy. Kaya lang, unfortunately nawala siya one day at hindi na nakita pa. Sabi nila Father, baka nakalabas ng bakuran ng Casa at 'di na nakabalik kasi medyo may pagka-ulyanin na si Lolo Binoy."

"That's right and inaako namin na may pagkukulang kami sa aspektong 'yon. And we also understand kung hindi na rin kami mapagbibigyan ng sanctuary na muling makapag-ampon at tulungan kayo. But we would like you to know na just in case na magbago ang isip niyo, open pa rin kami and very much willing na magpatuloy ng mga na-abandona nating mga lolo't lola," saad ni ng Father Tonyo.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Matapos ang meeting sa opisina, tumuloy na sila Father sa ceremony hall. Nagbigay ng kaunting talumpati si Father at nag-alay ng dasal ng pasasalamat. Pagkatapos, nagpamahagi na rin sila ng mga kagamitan sa mga matatandang naroon.

Sakto naman na dumating ang fast food na inorder ni Ate Mira pagkatapos ng distribution. Simple lang naman ang handa. Isang pirasong fried chicken, burger at spaghetti. Hindi na nila sinamahan ng soft drink dahil nakasasama raw iyon sa mga matatanda.

Pagkatapos mabusog sa kinain, nagkaroon ng kaunting program ang staff ng Sanctuary For The Abandoned Elders. Mayroong nag-gitara, kumanta, kumanta habang nagi-gitara, sumayaw at nagpatawa. Masayang-masaya ang lahat.

Bago matapos ang buong programa, nagdaos din sila kaunting palaro. May pa-premyo pa nga si Father Tonyo ma tig-isang daan sa bawat mananalo sa stop dance, trip to Jerusalem at best in Harana kung saan haharanahin ng mga lolo ang mga lolang napupusuan nila. Sa lahat ng 'yon todo ang galak ni Minggay. Masaya siya dahil kahit papa'no nakakilala siya ng mga bagong tao at nawaglit sa isipan niya ang mga kapatid na naiwan.

Subalit sa gitna ng harana ng isang lolo, napansin ni Minggay na may isang matandang lalaki na nakaupo lang sa isang sulok. Kanina pa ito tahimik at hindi kumikibo simula noong hapon pa lang. Nilapitan ito ni Minggay para kumustahin at tanungin kung may dinaramdam ba ito.

"Kumusta po, Lolo. Kanina pa po kayo tahimik ha. May gusto po ba kayo? Sabihan niyo lang po at kukunin ko. Gusto niyo po bang sumali sa harana? Tara po, 'Lo." Nakalahad ang kamay ni Minggay. Inaanyayahan si Lolo na siya ay samahan.

Pero nagulat si Minggay nang biglang hablutin at hawakan nang mahigpit ng Lolo ang kanyang braso. "Kukunin ka nila. Umalis ka na! Tumakbo ka. Kinuha nila ang kaibigan kong si Binoy. Kayo na ang susunod. Kayo na! Kayo na! Takbo! Serberus!"

Pinipilit makawala ni Minggay sa matinding pagkakakapit ng matanda dahil nasasaktan na siya. Pero para itong alimangong naka-sipit, ayaw nitong bumitaw. "'Lo, bitaw na po. Nasasaktan na po ako."

"Serberus! Serberus! Serberus!" Paulit-ulit na sabi ng Lolo. Bumubulwak na ang laway nito sa bibig at parang hindi siya naririnig nito.

Nagsimula na ring magpatay-sindi ang mga ilaw hanggang sa magsiputukan ang mga fluorescent lamp sa kisame. Napasigaw ang ilan sa mga staff na naroon at napa-takip ng tenga ang mga matatanda. Nagkaroon ng kaunting komosyon nang mag-panic ang mga tao at nagsimula silang mag-unahan palabas ng ceromony hall. Maigi na lamang at mahusay ang staff ng sanctuary dahil napakalma nila ang mga matatanda at maayos nila itong nailabas.

Nakita naman ni Father Tonyo si Minggay at tinulungan niya itong makawala sa kapit ng matanda. "Mauna na kayo ni Lila sa labas. Ako na ang bahala dito kay Lolo."

"Bitawan mo ako. Kinuha niyo si Binoy. Matalik kong kaibigan 'yun! Bitawan mo ako. Ibibigay mo rin ako kay Serberus!" Nagpupumiglas ang Lolo habang binubuhat siya ni Father Tonyo.

"Lolo, 'wag po kayong malikot at kakargahin ko po kayo para makalabas tayo dito," pakiusap ni Father Tonyo.

Si Minggay naman, inakay ni Lila at sabay na lumikas kasama ng ilan sa mga staff at takot na matatanda.

            
            

COPYRIGHT(©) 2022